Inihayag ni Senate President Chiz Escudero na mananatiling matatag ang Senado sa pagtatanggol sa kalayaan at soberanya ng Pilipinas.
Kabilang ito sa mga nabanggit ni Escudero sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng sesyon ng third regular session ng Senado.
Binigyang diin ni Escudero ang walang patid na pangako sa pagprotekta sa pambansang interes.
Binigyang diin ng Senate leader na patuloy na makikipagkaibigan ang Pilipinas pero hindi aniya tayo pasisiil sa ibang mga bansa.
Inihayag ni Escudero na uunahin ng Senado ang pagpasa ng mga batas katulad sa Maritime Zone and Sea Lanes Act, na naglalayong palakasin ang territorial claims ng Pilipinas.
Ang panukalang ito ay naaprubahan na sa bicameral conference committee at ngayo’y naghihintay na lang ng lagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binanggit din ng Senate leader ang kahalagahan ng pagpapalakas ng ating militar para matiyak ang kapayaan pero hindi naman para magdulot ng hidwaan.
Binigyang diin din ni Escudero ang pangangailangan para sa mapayapang hakbang na maprotektahan ang mga Pilipino sa paglayag at makapangisda sa kanilang sariling karagatan.
Iginiit pa niya ang kahalagahan ng diplomasya at pagpapanatili ng matibay na ugnayan sa mga karatig bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion