Bukas si Senate President Chiz Escudero na makipag-dayalogo sa pribadong sektor kaugnay ng panukalang legislated wage hike na naipasa na ng Mataas na Kapulungan.
Ayon kay Escudero, suportado niya pa rin ang panukalang P100 legislated wage hike para sa lahat ng minimum wage earners sa pribadong sektor.
Matatandaang inaprubahan na ng senador sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2534 noong Pebrero.
Giit ni Escudero, isa siya sa mga bumotong pabor sa panukala at hindi pa rin nagbabago ang kanyang posisyon dito kahit pa ang panukala ay inisyatibo ni dating senate president Juan Miguel Zubiri.
Pinunto ng Senate leader na bagamat nagpatupad na ang National Capital Region (NCR) Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng P35 na dagdag sahod ay hindi pa rin ito sapat.
Pero kung masyado naman aniyang mataas ang pinapanukalang across the board wage increase ng Senado ay handa siyang makipag-usap sa pribadong sektor kung ano ang katanggap tanggap para sa kanila. | ulat ni Nimfa Asuncion