Isinusulong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pagpapasa ng isang batas na magtatatag ng food banks at mag-aatas sa food manufacturers at mga establisyimento gaya ng restaurants, cafes, fast food chains, hotels, supermarkets at culinary schools na i-donate ang kanilang sobrang pagkain para sa mga nangangailangan.
Ayon kay Estrada, nakakalungkot na napakaraming pagkain ang nasasayang habang marami sa ating mga kababayan ang nagugutom.
Pinatungkulan ng senador ang pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) na nagpakita ng pagtaas ng bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakararanas ng involuntary hunger – 14.2% noong Marso 2024 kumpara sa 12.6% noong Disyembre ng nakaraang taon.
Samantalang sa datos ng Sustainability Solutions Exchange (SSX) na nasa ilalim ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM), 88 kilo ng pagkain ang nasasayang ng karaniwang Pilipino bawat taon, at higit sa 35% ng nasasayang na pagkain o food waste ay hindi mula sa mga kabahayan kundi mula sa sektor ng food at retail sector.
Kaya naman sa inihaing Senate Bill 1644 ng senador, o ang ipinapanukalang Food Surplus Reduction Act, layong magpatupad ng isang sistema na magtataguyod, magpapadali at magtitiyak ng pagbawas ng food surplus sa pamamagitan ng redistribution at recycling.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga may-ari ng mga saklaw na establisyimento ay aatasan na ihiwalay ang mga sobra nilang pagkain mula sa mga hindi na pwede pang ipakain pa sa iba.
Susuriin ito ng sanitary inspector ng local government unit (LGU) para aprubahan kung ligtas kainin at maaaring pang i-donate sa mga food bank na kinikilala at rehistrado sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nakasaad sa panukala na mahigpit na ipagbabawal ang reselling o pagbebenta ng mga donasyong pagkain at ang sinumang mahuhuli na gumagawa nito ay papatawan ng karampatang parusa. | ulat ni Nimfa Asuncion