Pinangungunahan muli ng South Korea ang bilang ng mga pangunahing pinagmumulan ng mga dayuhang bisita sa Pilipinas sa unang anim na buwan ng taon.
Iniulat ng Department of Tourism (DOT) na umabot sa kabuuang 824,798 na mga turistang Koreano ang pumasok sa bansa, na kumakatawan sa 25.99% ng kabuuang bilang ng mga dayuhang turista.
Malugod itong tinanggap ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul, na nagpapakita ng matibay na ugnayan at lumalaking interes ng paglalakbay sa pagitan ng dalawang bansa.
Ipinahayag din ng DOT na pumalo sa mahigit P280 bilyon ang kita mula sa mga bisita mula Enero hanggang Hunyo 2024, na may pagtaas ng 32.81% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Ang pagtaas ng kita sa turismo ay bunga ng mga pagsisikap ng pamahalaan na buhayin ang sektor, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng turismo sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho.
Umaasa naman si Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco na tataas pa ang mga bilang na ito gayundin lalong lalo na ang trabaho ng mga Pilipino sa tourism-related industries. Inihayag din nito ang mga proyektong nakalinya para sa pagpapabuti ng connectivity at magbibigay ginhawa sa mga turistang bumibisita ng bansa.
Sa mahigit 3.1 milyong turista na bumisita sa bansa ngayong taon, sinusundan ng Estados Unidos at China ang South Korea bilang pangunahing mga nag-aambag sa bilang ng mga tourists arrival sa bansa.
Inaasahan naman sa second half ng 2024, na nakatakdang magpapatuloy ang tagumpay ng tourism industry ng bansa na ayon sa mga pagtataya ay makakakamit ng mga record-breaking economic contributions at mga oportunidad sa trabaho sa sektor ng turismo. | ulat ni EJ Lazaro