Iginiit ni Senate President Chiz Escudero na walang karapatan si suspended Bamban Tarlac Mayor Alice Guo na pagsabihan ang senador kung ano ang dapat nilang iprayoridad na talakayin.
Sagot ito ng Senate leader sa pahayag ni Guo na nilabas nito sa social media kung saan sinabi ng suspendidong alkalde na tila pinag-iinitan siya ng mga senador, partikular nina Senate Committee on Women Chairperson Senador Risa Hontiveros at Senate Ways and Means Chairperson Senador Sherwin Gatchalian sa mga pagdinig nito tungkol sa POGO operations sa bansa.
Ayon kay Escudero, kahit pa karapatan ni Guo na ipagtanggol ang kanyang sarili lalo’t siya ang tinatamaan ng isyu ngayon sa mga POGO, wala naman aniya sa lugar si Guo na pagsabihan ang sinumang miyembro ng Mataas na Kapulungan kung ano ang ipaprayoridad nila.
Sinagot rin ni Escudero ang sinabi ni Guo na handa siyang sagutin ang mga issue at tanong sa kanya sa tamang forum.
Sinabi ng Senate president na wala ito sa lugar na mamili kung saan lang nito nais sagutin ang mga isyung kinakaharap niya lalo’t may warrant nang inilabas ang Mataas na Kapulungan laban sa kanya.
Binigyang-diin rin ng mambabatas na dumaan sa proseso ang arrest order ng Senado at may mga dahilan rin bago naglabas nito.
Hindi na rin aniya ikagugulat ng senador kung kahit pa umabot sa korte ang pagdinig sa isyu ni Mayor Alice ay hindi rin ito dadalo sa hearing doon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion