Pormal nang itinalaga bilang Minor Basilica ang St. John the Baptist Parish sa bayan ng Taytay, lalawigan ng Rizal ngayong araw.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang isang misa gayundin ang seremoniya ng pagtatalaga sa nasabing simbahan.
Una rito’y nagsagawa muna ng civic reception ang pamahalaang bayan ng Taytay at saka ito sinundan ng misa.
Dito, binasa ang Papal Bull mula sa Vatican kung saan nakasaad ang proklamasyon na iginawad ni Pope Francis.
Magugunitang Enero ng taong kasalukuyan nang ianunsyo ng Diocese of Antipolo ang pag-apruba ng Santo Papa na nag-aangat sa St. John the Baptist Parish bilang isang Minor Basilica.
Ang nasabing simbahan ay itinatag noong 1579 ng mga paring Hesuwita na itinalaga kay San Juan Bautista.
Ang titulo ng isang Minor Basilica ay iginagawad sa isang simbahan depende sa edad nito gayundin kung nagtataglay ito ng mayamang mananampalataya ng mga deboto. | ulat ni Jaymark Dagala