Naisilbi na kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang subpoena na ipinadala sa kanya para dumalo sa susunod na magiging pagdinig ng Senate Committee on Women sa Miyerkules.
Base sa dokumentong ibinahagi ng opisina ni Committee on Women Chairperson Senadora Risa Hontiveros, tinanggap ng kanyang abogado na si Atty. Nicole Jamilla noong July 5 ang subpoena sa suspendidong alkalde.
Bago ito, sinabi ng Senate Sargeant at Arms na una nilang sinubukan na ipadala ang subpoena order sa farm ni Mayor Alice sa Bamban pero sinabi ng helper sa farm na si Jerry Castro na ilang linggo nang hindi nagpupunta doon ang alkalde.
Naisilbi na rin ang subpoena para kay Nancy Gamo, o ang accountant ni Mayor Alice.
Samantala, hindi naman naisilbi ang subpoena para sa mga kapatid ni Mayor Alice na sina Shiela, Wesley at Siemen Guo maging sa mga sinasabing magulang nitong sina Jian Zhang Guo at Lin Wenyi.
Ito ay dahil walang gustong tumanggap sa subpeona ng mga ito.
Batay sa tugon ng David and Jamilla Law Offices, hindi nila kliyente ang mga kapatid ni Mayor Alice, Ai Jian Zhang Guo at si Lin Wenyi at tanging si Mayor Alice lang ang kanilang kinakatawan.
Hindi rin naisilbi ang subpoena na ipinadala sa iba pang isinasangkot sa kaso na sina Jaimelyn Cruz, Roderick Pujante, at Juan Miguel Alpas dahil hindi sila nakita sa address na nakarecord sa mga ito. | ulat ni Nimfa Asuncion