Umakyat ng 32% ang subsidiyang ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga government-owned and controlled corporations o GOCC.
Base sa datos ng Bureau of Treasury, ang kanilang inilabas na budgetary support sa buwan ng Mayo ay nasa P9.74 billion kumpara sa P7.38 billion sa kaparehas na buwan noong nakaraang taon.
Ang subsidiya na ipinagkakaloob ng national government ay upang tulungan ang mga GOCCs na pondohan ang kanilang operational expenses.
Ang National Irrigation Administration (NIA) ang nakatanggap ng pinakamalaking subsidiya na nasa P7.27 billion na nasa three-fourths o 74% ng subsidiya ng Mayo.
Sinundan ng Philippine Rice Research Institute na nasa P629 million at ang Philippine Fisheries Development Authority na nasa P359 million.
Kabilang sa mga nakatanggap pa ng malaking subsidiya ay ang Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, National Privacy Commission, at ang Small Business Corp. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes