Hindi magbabago ang suportang ipinagkakaloob sa Pilipinas ano man ang maging resulta ng eleksyon sa Estados Unidos.
Ito ang kapwa tiniyak ni US Secretary of State Antony Blinken at Department of Defense Secretary Lloyd Austin III sa Joint Press Conference sa Camp Aguinaldo kahapon, kasama si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro.
Ayon kay Sec. Blinken bahagi na ng demokratikong systema ng Estados Unidos ang pagpapalit ng pambansang liderato pero hindi nagbabago ang relasyon ng Pilipinas at Amerika na matagal nang magkaalyado at magkaibigan.
Sinabi naman ni Sec. Austin na malakas ang bi-partisan support para sa Pilipinas sa gobyerno ng Estados Unidos at hindi niya ma-imagine na darating ang araw na hindi na magkaibigan ang dalawang bansa.
Nagpahayag naman ng pagtitiwala si Sec. Manalo na magtatagal pa ang 70 taong alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos dahil naka-ankla ito hindi lang sa kapwa paninindigan sa demokratikong prinsipyo, kundi sa “people-to-people relationship” ng dalawang bansa.
Sinabi naman ni Teodoro na naniniwala siya na ang suporta ng Estados Unidos sa Pilipinas ay mahalaga sa pagpapanatili ng rules based international order sa Indo-Pacific Region. | ulat ni Leo Sarne
📸: DND