Para kay Senate Committee on Ways and Means Chairperson at Senador Sherwin Gatchalian na malabong maikonsiderang ‘state witness’ si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa imbestigasyon sa mga iligal na aktibidad ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Sa ilalim ng Republic Act 6981 o ang Witness Protection, Security and Benefit Act, sinumang indibidwal na may kaalaman o impormasyon sa isang krimen at handang tumestigo ay maaaring ipasok sa Witness Protection Program (WPP).
Pero binigyang diin ni Gatchalian na hindi pwedeng state witness si Guo dahil hindi siya maituturing na ‘least guilty’ sa kaso.
Katunayan, ipinunto ng senador na si Mayor Alice pa ang sentro ng Hong Sheng POGO hub sa pamamagitan ng pag-a-apply ng letter of no objection at iba pang LGU permits.
“She cannot because she is not least guilty. She is at the center of the Hong Sheng POGO hub by applying for the Letter of No Objection and other LGU permits.” – Sen. Sherwin Gatchalian.
Matatandaang nasa pangalan ng suspendidong alkalde ang lahat ng mga papeles, bill ng kuryente at water application ng na-raid na POGO hub sa Bamban.
Mayroon ding mga natuklasang ebidensya sa Porac POGO hub na nag-uugnay kay Guo sa operasyon ng POGO doon. | ulat ni Nimfa Asuncion