Nagpadala na ng abiso si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na hindi ito makakadalo sa pagdinig ng Senate Committee on Women bukas ng umaga.
Ito ay kahit pa sinilbihan na ng subpoena si Guo para dumalo sa naturang pagdinig.
Sa letter of explanation na pinadala ni Guo sa Senado, partikular kay Senate Committee on Women chairperson Senadora Risa Hontiveros, tinukoy nitong hindi pa siya physically at mentally fit para dumalo ng pagdinig.
Gayunpaman, hindi aniya siya naisyuhan ng medical certificate ng mga medical professional na kinonsulta niya tungkol sa kanyang kondisyon dahil natatakot rin ang mga ito na madamay sa kasong kinasasangkutan niya.
Ipinaliwanag ng suspendidong alkalde na ang hindi magandang estado ng kanyang kalusugan ay bunga ng aniya’y mga malisyosong akusasyon, pagkwestiyon at pagtutya sa kanyang identidad.
Dagdag pa aniya ang patong-patong na kasong isinampa laban sa kanya at ang kalakip nitong trial by publicity kung saan nahusgahan na siyang guilty nang hindi pa dumadaan sa due process.
Sa ngayon ay nakakatanggap na rin aniya siya ng death threats o banta sa kanyang buhay.
Una nang binigyang diin ni Senate Committee chairperson Senadora Risa Hontiveros na obligasyon ni Mayor Alice at ng kanyang mga abugado na respetuhin ang batas ng Pilipinas at ang subpoena na inilabas ng Senado.
Malinaw aniya ang kanilang jurisprudence.
Binigyang diin pa ni Hontiveros na ang kinikilalang invocation ng right to self incrimination ng Supreme Court ay maaari lang gawin kapag may tanong na ibinabato.
Hindi aniya ito dahilan para hindi dumalo si Guo sa hearing.
Giniit ni Hontiveros na kung tunay na gusto ni Guo na malinis ang kanyang pangalan, dapat magpakita ito sa hearing, sumagot siya nang maayos, at tigilan na ang pagsisinungaling.| ulat ni Nimfa Asuncion