Pinalutang ni Sen. Sherwin Gatchalian ang posibilidad na nakalabas na ng pilipinas si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo gamit ang kanyang Chinese passport.
Inihayag ito ni Gatchalian bagama’t base sa impormasyon ng Bureau of Immigration (BI) ay wala pang Guo Hua Ping na nakakalabas ng bansa.
Pinunto ng senador na kung dadaan si Guo sa mga paliparan o pantalan ng bansa ay matutunton ito lalo’t nakaalerto na ang BI sa kanya.
Gayunpaman, aminado ang mambabatas na batid namang may iba pang mga paraan para makalabas ng Pilipinas at makatakas.
Una nang kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisa lang sina Mayor Alice at ang Chinese national na si Guo Hua Ping base sa pagma-match ng kanilang fingerprints.
Napag-alaman na rin na gumagamit ng Chinese at Philippine passport ang suspendidong alkalde mula 2008 hanggang 2011.
Naniniwala si Gatchalian na ginagamit pa din ng alkalde ang kanyang Chinese passport at ito ang pwede niyang gamitin sa paglabas ng Pilipinas.| ulat ni Nimfa Asuncion