Nagpadala ng liham si suspended Bamban Tarlac Mayor Alice Guo kay Senate President Chiz Escudero para humingi ng paumanhin sa nauna nitong statement na nai-post sa Facebook account nito.
Nag sorry si Guo kung nagkaroon man aniya ng hindi pagkakaunawaan kaugnay ng kanyang naging pahayag at wala aniya siyang intensyon na pagsabihan o dikatahan ang Senado, kung ano ang mga dapat bigyang prayoridad.
Humihiling rin ito ng pang unawa para mabigyan ang kanyang sarili ng pagkakataon na maipagtanggol ang kanyang sarili sa tamang forum.
Handa aniya siyang harapin ang iba’t ibang kaso laban sa kanya sa mga tanggapan ng gobyerno tulad ng Ombudsman, Department of Justice, Bureau of Internal Revenue, husgado at patunayan ang kawalang kasalanan.
Tugon naman dito ni Senate President Chiz Escudero, hindi niya matatanggap ang liham ni Guo hangga’t hindi ito dumadalo sa pagdinig ng Mataas na Kapulungan.
Umaasa si Escudero na mapapayuhan ng maayos si Mayor Guo ng kanyang mga abugado para dumalo na sa pagdinig ng Senado.
Sa ganitong paraan aniya ay matatapos na ang yugtong sa senado at magkakaroon na siya ng pagkakataon na mapagtuunan ng pansin ang mga kaso niya sa DOJ, Solicitor General at sa Sandigan Bayan.
Binigyang diin rin ng senate leader, na wala itong dapat ikabahala sa seguridad niya sa senado.
Tiniyak rin ni Escudero, na oras na dumalo na si Guo sa susunod na magiging pagdinig ng Senate Committee on Women ni Senator Risa Hontiveros ay aalisin na kaagad ang warrant of arrest at contempt order laban dito.
Giniit rin ni Escudero, na magpapatuloy pa rin ang pagdinig ng senado tungkol sa mga POGO dahil garantiya aniya ito na maisasakatuparan ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pag-ban sa mga POGO hanggang sa katapusan ng taon. | ulat ni Nimfa Asuncion