Inanunsyo ng kapwa Cebu Pacific at AirAsia na balik na sa normal ang operasyon ang kanilang mga systems matapos ang naganap na global IT outage na nagsimula noong Biyernes.
Sa anunsyo ng AirAsia, simula alas-2 ng hapon kahapon, July 20, balik online na ang lahat ng kanilang system. Humihingi naman ito ng paumanhin sa kanilang mga pasahero na naapektuhan ng mga pagkaantala at pagkansela ng mga biyahe dahil sa cyber outage na nakaapekto sa maraming computer systems hindi lamang sa bansa.
Patuloy naman umano ang mga ginagawa ng airline upang mabawasan ang mga abala at tiyakin na ang mga pasahero ay nabibigyan ng tamang impormasyon at nabibigyan ng tamang pangangalaga.
Samantala, sa panig naman ng Cebu Pacific, sa inilabas na ikawalong advisory ng airline, kinumpirma nito ang ganap na pagpapanumbalik ng kanilang mga serbisyo simula kaninang alas-7:30 ng umaga.
Ayon sa CebuPac, matagumpay na naibalik ng kanilang technology provider na Navitaire ang lahat ng kanilang system sa full capacity.
Pinaalalahanan naman ng airline ang mga pasaherong may kumpirmadong booking na subaybayan ang status ng kanilang mga flight sa website ng Cebu Pacific bago tumungo sa paliparan.
Nagpahayag din ito pasasalamat sa kanilang IT at airport staff para sa mga pagsisikap nito, pasensya, at suporta sa mga pasahero.
Maaalala noong Biyernes, isang “bad update” mula sa cybersecurity ng CrowdStrike ang nakaapekto sa mga Windows computers ng Microsoft sa buong mundo dahilan upang maantala ang maraming industriya magmula sa transportasyon, bangko, media, healthcare at marami pang iba.
Itinaggi naman ng CrowdStrike na hindi isang cyberattack o gawa ng anumang malicious actor ang naganap na global IT outage.| ulat ni EJ Lazaro