Ikakasa ng lokal ng pamahalaan ng Taguig City sa darating na July 26 ang taunang selebrasyon nito ng Taguig River Festival kung saan isang fluvial parade ang isasagawa bilang bahagi ng selebrasyon.
Kaya naman ilang paalala ang inilabas ng Taguig LGU para sa kaligtasan at kaayusan ng selebrasyon ng Taguig River Festival at para sa Pagoda sa Ilog 2024.
Ayon sa abiso ng komiteng tagapangasiwa dapat ay nakarehistro sa Lake and River Management Office (LRMO) ang lahat ng kalahok na bangka sa parada. Tanging mga bangkang de-motor lamang din na may rehistro at official logo ng Taguig River Festival ang papayagang sumali. Kailangan din na ang bawat bangka ay magsumite ng manipesto sa LRMO hanggang alas-12 ng tanghali ng Hulyo 24.
Sisiyasatin naman ng Coast Guard ang mga bangka upang masiguro ang kaligtasan ng mga sakay, kabilang ang suot na life jacket at pagkakaroon ng safety equipment. Ipinagbabawal ang pagdala ng alak, paputok, droga, baril, sandata, at lobo sa fluvial parade.
Ipinababatid din na tanging sa Pulong Kendi, Brgy. Sta. Ana. ang docking area kung saan magsisimula at magtatapos ang mga bangka na sasali sa Pagoda sa Ilog.
Pero kung sakaling may typhoon signal mula sa PAGASA, hindi itutuloy ang pagsasagawa ng parada sa Traguig River.
Ginugunita ang Taguig River Festival tuwing buwan ng Hulyo upang ipagdiwang ang masaganang ani ng banak o “sea mullet” na galing sa ilog ng Taguig noong mga unang panahon, na tumutugon sa pangangailangan ng pagkain sa mga taga-lungsod.| ulat ni EJ Lazaro