Tuloy ang plano ng Clark International Airport Corporation (CIAC) na magtayo ng higanteng arena na maaaring maging venue ng iba’t ibang entertainment events para sa local at international artists.
Magiging parte ito ng entertainment at events center na itatayo sa loob ng Clark aviation complex sa pamamagitan ng public private partnership.
Ayon kay CIAC Pres at CEO Arrey Perez, sa ngayon ay marami nang interesadong investors para sa naturang proyekto kabilang ang ilang kumpanya mula sa Singapore at US.
Hinihintay nalang umano ng CIAC ang proposal ng mga ito na ipoproseso sa loob ng anim hanggang siyam na buwan, at ang construction phase naman ay posibleng masimulan sa 2025.
Umaasa ang CIAC na mapapayag na ang American singer na si Taylor Swift na mag-concert sa bansa oras na makumpleto ang konstruksyon ng stadium.
Aabot sa P32-bilyon ang tantya ng CIAC na pondo para sa 40 hectare complex kung saan magtatayo rin ng international convention center, airport mall, at multimodal terminal. | ulat ni Merry Ann Bastasa