Umaasa ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na maging bukas sa dayalogo sa mga stakeholder si Education Secretary Sonny Angara.
Ngayong July 19 ang unang araw sa tungkulin ni Sec. Angara matapos ang opisyal na pag-turnover sa kanya ni Vice President Sara Duterte bilang bagong liderato ng DepEd.
Ayon kay TDC Chair Benjo Basas, umaasa silang mapakinggan ni Sec. Angara ang ilang concerns ng mga guro at estudyante.
Nagkaroon na aniya sila ng inisyal na pulong sa kalihim noong July 10 kung saan iprinesenta ang panawagan ng mga guro.
Kabilang na rito ang umento sa sahod at full implementation ng Magna Carta for Public School Teachers — Welfare Provisions, partikular ang health benefits, hardship allowances, at overtime pay.
Umaasa rin ang mga guro na mabawasan na ang kanilang pinapasan na administrative tasks at tuloy-tuloy na review sa K-12 Program.
Hinikayat ng TDC si Sec. Angara na seryosong ikonsidera ang mga hirit ng guro at gamitin ang kanyang karanasan sa Senado para maisulong ang kanilang kapakanan partikular ang umento sa sahod.
“While we understand that increasing salaries is beyond the DepEd Secretary’s direct authority, his support is crucial for advancing legislative efforts. Secretary Angara’s extensive experience in the legislature and his positive relationships with lawmakers position him uniquely to champion the cause of educators. We expect him to leverage his influence and work to push these proposals,” dagdag pa ni Basas.
Umaasa rin silang mabanggit ito maging sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Merry Ann Bastasa