Kabilang si Marikina Rep. Stella Quimbo sa mga mambabatas na nagpaabot ng pagbati kay Sen. Sonny Angara matapos itong maitalaga bilang bagong Education Secretary.
Kinilala ni Quimbo ang pagiging kapwa advocate ni Angara sa kalidad na edukasyon.
“As a fellow legislator and an advocate for quality education, I am thrilled to see Senator Angara step into this vital role. His commitment to education and his exemplary track record in public service ensure that our educational system is in capable hands,” ani Quimbo.
Sabi pa ng mambabatas na isa ring propesor, bilang nakapag-aral sa mga prestihiyosong paaralan sa loob at labas ng bansa si Angara, ay madadala nito ang kaniyang mga natutunan para mapahusay pa ang ating education system.
Kinilala din ni Quimbo ang legasiya ng ama ni Sec. Sonny na si dating Sen. Edgardo Angara na isa rin sa respetadong education advocate.
Aniya, tiyak na ipagpapatuloy ng nakababatang Angara ang misyon ng kaniyang ama.
Handa rin si Quimbo na makipagtulungan sa bagong kalihim upang masiguro na bawat Pilipino ay makatanggap ng pinakamataas na kalidad ng edukasyon.
“Bilang kapwa tagapagtaguyod ng edukasyon, masaya akong makatrabaho si Senator Sonny. Magkasama nating isusulong ang mas mataas na pamantayan sa edukasyon para sa kabataang Pilipino.” sabi ni Quimbo. | ulat ni Kathleen Forbes