Inaasahang magpapalakas ng turismo ang mga proyektong pang-transportasyon ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ang inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa pagbubukas ng Travel Madness Expo 2024.
Ayon kay Secretary Bautista, ang mga pangunahing proyekto ng DOTr ay susuporta sa pagsisikap ng bansa na palakasin ang turismo.
Aniya, ang pagpapabuti at paggawa ng makabagong mga sistema ng transportasyon ay mahalaga sa pagtiyak na masisiyahan ang mga turista sa kanilang biyahe.
Binanggit ng transport chief ang mga proyekto tulad ng pagsasaayos ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Laguinduingan at Bohol-Panglao Airports pati na rin ang pagtatayo ng New Manila International Airport.
Isinasagawa rin ng DOTr ang modernisasyon ng transportasyon sa ilalim ng PUV Modernization Program, pagpapalawak ng mga bike lane sa bansa, at ang EDSA Busway.
Ayon pa kay Bautista, puspusan na rin ang konstruksyon ng mega rail projects tulad ng pagtatayo ng North-South Commuter Railway at Metro Manila Subway.
Isinasaayos na rin aniya ang mga daungan para makapagbigay ng mas maginhawang biyahe sa mga pasahero. | ulat ni Diane Lear