Pinakilos na din ng pamahalaan ang mga benepisyaryo ng TUPAD Program para magkaroon ng partisipasyon sa pagtulong sa mga naapektuhan ng nagdaang kalamidad.
Bahagi ito ng naging report ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pinakahuling situation briefing na ginawa nitong weekend sa Bulacan.
Sinabi ni Laguesma na isasabak sana sa paglilinis ng mga debris ang TUPAD beneficiaries subalit hindi pa kakayanin.
Kaya pansamantala, ani Laguesma, ay minarapat nilang patulungin muna ang mga ito sa pagre-repack.
Bumuo aniya sila ng partnership sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nang sa gayon ay mapabilis din naman ang paghahatid ng kailangang relief goods ng mga nangangailangang kababayan. | ulat ni Alvin Baltazar