Ibinahagi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nasa huling yugto ng ito ng pag-upgrade ng centralized cooling system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 upang tugunan ang mga isyu ng kakulangan sa air conditioning sa paliparan.
Nagsimula ang nasabing upgrade sa cooling system nitong taon kung saan kabilang dito ang pag-install ng anim na bagong cooling towers upang mapabuti ang system efficiency nito.
Nakatakda naman na sa darating na Hulyo 16 hanggang 17, mula 9:00 ng gabi hanggang 9:00 ng umaga ay sisimulan ang huling yugto ng installation ng cooling system.
Sa panahong ito, pansamantalang isasara ang centralized cooling system upang maikonekta ang bagong piping ng cooling tower sa main line ng chiller plant.
Bagama’t magpapatuloy ang operasyon ng mga fans at blowers, maaaring hindi ito maging sapat para sa kaginhawaan ng mga pasahero sa paliparan.
Kaya naman handa ang MIAA na magde-deploy ng stand-alone air conditioning units para sa spot cooling sa mga panahong ito.
Sinasabing apektado ng 12 oras na downtime ang mga lugar na kinabibilangan ng check-in counters, immigration departure, final security checks, baggage carousels, at arrival lobby.
Humigit-kumulang 27,000 pasahero naman sa 117 flights ang maaaring makaranas ng reduced air circulation sa mga oras na ito.
Hiniling din ni MIAA General Manager Eric Jose Ines ang pang-unawa at kooperasyon mula sa lahat ng gumagamit ng paliparan at binanggit na ang mga upgrade na ito ay mahalaga para sa pagpapanatili ng ideal na temperatura at masiguro ang mas magandang karanasan sa mga gumamit ng nasabing terminal. | ulat ni EJ Lazaro