Isinisi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa visa upon arrival policy ang biglang dami ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa bansa bilang POGO workers.
Sa motu proprio inquiry ng Kamara kaugnay sa POGO related crimes, sinabi ni PAOCC Spokersperson Winston Casio na 2017 pa lang ay may mga foreign nationals na nang nagtatrabaho sa POGO dito sa bansa.
Ngunit nagkaroon ng peak noong 2019, lalo na sa mga Chinese, nang ipatupad ang visa upon arrival.
Ang nangyayari aniya dumarating sila sa bansa bilang mga turista at kalaunan ay papalitan ang kanilang tourist visa ng working visa.
Isa pa aniya sa kanilang natukoy ay ang mga kompanya ng POGO kung saan sila magtatrabaho ay mga fraudulent o mga iligal.
Batay sa datos ng PAOCC at IACAT, kasunod ng isinagawang raid sa Bamban Tarlac, sa 280 subject o foreign POGO workers nasa 231 na ang kanilang ipina-deport.
Sa Porac, Pampanga naman, pinoproseso na ang deportation ng 153 na indibidwal na nahuli.| ulat ni Kathleen Forbes