Agad na ipinakalat ng Philippine Red Cross (PRC) ang kanilang water search and rescue (WASAR) team sa mga lugar sa Metro Manila na labis na naapektuhan ng pagbaha dulot ng habagat at bagyong Carina.
Sa ulat ng Red Cross Operations Center, partikular na naka-deploy ang mga WASAR team sa Malabon at Mandaluyong upang sagipin ang mga residente na na-trap sa kanilang mga bahay at mga na-stranded sa matataas na lugar dahil sa mataas na baha.
Bukod sa WASAR team, nagpadala rin ang PRC ng mga six-by-six multi-purpose response trucks, ambulance units, at food trucks sa Metro Manila.
May mga rescue boat din na naka-deploy sa Quezon City, Valenzuela, Caloocan, Malabon,at Marikina.
Samantala, nakapagbigay na rin ng mahigit 500 hot meals ang mga Red Cross volunteer sa mga pamilyang nasa evacuation centers sa Iloilo at Manila.
Patuloy na nakamonitor ang PRC sa sitwasyon at handang magpadala ng karagdagang tulong sa mga apektadong lugar. | ulat ni Diane Lear