Naniniwala si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na susi ang whole-of-government approach para sa mas maagap na pagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan partikular sa mga disaster-affected families sa bansa.
Ayon sa kalihim, dahil sa magandang koordinasyon ng DSWD sa mga local government unit (LGU), mabilis na nakatutugon ang pamahalaan sa mga tinatamaan ng kalamidad.
Dagdag pa ni Secretary Gatchalian, inilunsad na rin ng DSWD ang Buong Bansa Handa Program bilang tugon na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapahusay ang kapasidad ng ahensya pagdating sa pagbibigay ng tulong at serbisyo sa mamamayan.
Nakapaloob sa programa ang dalawang parallel supply chain mechanisms para sa paghahanda at responde, kung saan ang unang mekanismo ay para sa national at local government-driven supply chain na naglalayong mapaghusay ang kapasidad nito pagdating sa produksyon ng DSWD National Resource Operations Center (NROC) sa Pasay City, Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Cebu, at warehouse and storage facilities naman sa may 16 DSWD Field Offices.
Habang ang ikalawang mekanismo ay ang pakikipagtulungan ng DSWD sa mga private agencies tulad ng large and small groceries, supermarkets, manufacturers, at distributors upang mas makaagapay sa kanilang technical expertise at resources na magbibigay daan para sa isang private sector-driven supply chain.
Layon ng ahensya sa pakikipag-partner sa iba’t ibang private agencies ang makapagbigay ng mas maayos at mabilis na serbisyo sa panahon ng pangangailangan.
Dagdag pa ng kalihim, isa pang inisyatiba sa disaster response ang digitalisasyon kabilang ang Disaster Response Command Center (DRCC), na tumatayong central hub para sa disaster monitoring, reporting, at coordination. | ulat ni Merry Ann Bastasa