Tuloy-tuloy ang paghahatid ng murang bigas ng pamahalaan para sa mga tinatawag na vulnerable sector sa Brgy. Nangka sa Marikina City.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, naabutan pang naghahanda na kanina ang Kadiwa Center sa Bagong Sibol Market sa Brgy. Nangka para sa kanilang pagbubukas ganap na alas-8 ng umaga.
Dito, maaaring makabili ng ₱29 kada kilo ang mga Senior Citizen, Buntis, Persons With Disabilities (PWDs), Solo Parent, at mga benepisyaryo ng 4Ps.
Ito na ang ikalawang linggo na nagbebenta rito ng murang bigas mula sa National Food Authority (NFA) sa ilalim ng ₱29 rice Program.
Maliban sa murang bigas, may mabibili naman ditong mga murang gulay at prutas na bukas naman para sa lahat ng mga nagnanais bumili.
Nabatid na plano ng Department of Agriculture (DA) na palawigin pa ng hanggang isang taon ang pagbebenta ng murang bigas sa mga nasa vulnerable sector. | ulat ni Jaymark Dagala