Pinuna ni House Appropriations Committee Senior Vice Chair Stella Quimbo kung bakit mayroong pagkakaiba sa presyo ng mga biniling COVID-19 test kits ng Department of Health (DOH) noong panahon ng pandemya.
Ito ay kahit pa magkakaparehas naman ang brand at uri ng test kit batay sa procurement list ng ahensya.
Sa pagpapatuloy ng Oversight Hearing ng komite sa budgetary performance ng DOH at PhilHealth tinukoy ni Quimbo na may mga pagkakataon na pare-pareho ang test type at brand, ngunit may iba na ang presyo ay ₱1,562 at mayroon ding ₱2,083.
Paliwanag ni DOH Secretary Teodoro Herbosa, na nagsilbi noong special adviser ng National Task Force Against COVID-19 noong nakaraang administrasyon, nagbabago ang presyo ng ilan sa items sa paglipas ng panahon.
Nais naman malaman ni Quimbo ang petsa ng pagbili upang malinawan kung bakit mayroong ₱500 price difference sa presyo ng mga test kits.
Lumabas na PS-DBM, ang bumili ng naturang mga test kit, ngunit nagkaroon ng magkakaibang presyo dahil hindi na-consolidate o ginawang isahan ng DOH ang pag-order.
Nakuwestyon rin ni Quimbo kung bakit mas mahal ang mga test kit na nabili ng DOH kumpara sa world market value na nasa $8 dollars lang. | ulat ni Kathleen Jean Forbes