Opisyal nang binuksan ng Energy Development Corporation (EDC) ang kanilang 28.9-megawatt (MW) Palayan Binary Geothermal Power Plant (PBGPP) sa Manito, Albay na makakatulong sa pagbibigay ng supply ng kuryente sa bansa.
Ang PBGPP ay bahagi ng expansion ng 140 MW Bacon-Manito (BacMan) facility ng EDC. Sinimulan ang pagtayo nito noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, taong 2021 kung saan nasa P7 bilyon ang inilaan ng EDC sa pagpapatayo ng naturang proyekto.
Ayon kay EDC president at chief operating officer Jerome Cainglet, makakatulong aniya ang naturang geothermal power plant na maiwasan ang 72,200 metric tons ng carbon emissions taon-taon at mabawasan ang greenhouse emission ng 75% pagdating ng taong 2030 sa bansa.
Diin ni Cainglet, zero-discharge system ang proyekto kung saan nasisiguro na ang brine at iba pang likido ay muling na-iinject sa reservoir at matiyak na makakatulong din sa pangangalaga ng kalikasan.
Binigyang diin ni Department of Energy (DOE) Assistant Secretary Mylene C. Capongcol ang mahalagang kontribusyon ng proyekto tungo sa paglipat sa mas malinis na enerhiya, partikular na sa National Renewable Energy Program ng pamahalaan. Aniya, target ng proyekto ang renewable energy mix na 35% sa 2030 at 50% sa 2040. Malaki rin aniya ang tulong ng proyekto sa sistema ng Luzon Grid dahil magbibigay ito ng karagdagang baseload capacity.
Sa ngayon, ang EDC ay mayroon nang higit sa 1,464.5MW kabuuang installed capacity na bumubuo ng halos 20% ng kabuuang Renewable Energy power supply sa bansa. | ulat ni Garry Carillo | RP1 Albay