Matagumpay na na-repatriate ng Philippine Embassy sa Vientiane ang aabot sa 125 OFWs sa nagdaang linggo sa tulong na rin ng mga awtoridad mula sa bansang Laos.
Sinasabing biktima ang mga naiuwing mga Pinoy abroad ng ilegal na operasyon ng cyberscam sa Golden Triangle Special Economic Zone (GTSEZ), sa Bokeo Province, Lao People’s Democratic Republic.
Naging mabilis at maayos din ang nangyaring pagtutulungan ng embahada sa DFA Office of the Undersecretary for Migration Affairs at sa mga awtoridad ng Laos para sa pag-rescue ng mga Pilipino roon, pagproseso ng kanilang mga dokumento, at pagtiyak sa kanilang ligtas na pagbabalik.
Sa panahon naman ng naganap na operasyon ay nagbigay ang embahada ng matutuluyan at medikal na tulong para sa mga Pilipino sa Bokeo at Vientiane.
Habang nagbigay din ng suporta ang Philippine Embassy sa Bangkok sa pamamagitan ng pagbibigay ng transit airport support at pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa border ng Thailand.
Ipinahayag ni Philippine Ambassador to Laos, Deena Joy Amatong, ang kanyang mga pagnanais para sa mga na-repatriate Pinoy na makabawi at makahanap ng mga lehitimong oportunidad. Hinikayat niya ang mga ito na makipagtulungan sa mga awtoridad ng Pilipinas upang labanan ang ilegal na recruitment at trafficking tulad ng kanilang naranasan.
Nakatuon naman ang DFA, kasama ang IACAT, DMW, at OWWA, sa patuloy na suporta at kaligtasan ng mga OFW pagkabalik sa bansa.
Nananatili naman ang dedikasyon ng Philippine Embassy sa Vientiane sa pagtulong sa mga distress Filipino roon, gayundin ang patuloy na pakikipagtulungan nito sa gobyerno ng Laos para sa proteksyon ng mga natitira pa nating mga kababayan sa Golden Triangle area. | ulat ni EJ Lazaro