Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang nasa 19 na indibiduwal kabilang na ang dalawang kilalang vlogger na sangkot sa vishing o voice phising at scamming activities.
Ayon kay PNP-ACG Director, Police Maj. Gen. Ronnie Francis Cariaga, ikinasa ang naturang operasyon sa lungsod ng Imus, lalawigan ng Cavite sa bisa ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data.
Katuwang ng ACG, ani Cariaga, ang Bangko Sentral ng Pilipinas gayundin ang Lokal na Pulisya at mga opisyal ng barangay.
Modus ng mga ito ang magpanggap na kinatawan ng bangko at kinukumbinsi ang mga biktima na i-update ang kanilang credit card sa pamamagitan ng pagkuha ng mahahalagang impormasyon at One-Time-Pin (OTP).
Nakumpiska sa kanila ang mga SIM card, mobile devices, laptops, iba’t ibang bank documents, ledgers, at script na siyang ginagamit ng mga ito sa panloloko.
Ang mga naaresto ang unang masasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kamakailan.
Bukod pa ito sa iba pang mga kaso gaya ng paglabag sa Republic Act 8484 o ang Devices Regulation Act of 1998 at Republic Act 10173 o Data Privacy Act na may kaugnayan sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act. | ulat ni Jaymark Dagala