Nagtamo ng pinsala ang dalawang barko ng Pilipinas matapos ang dalawang panibagong insidente ng pagbangga ng Chinese Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea.
Sa ulat ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) nagsasagawa ng resupply mission ang BRP Bagacay at BRP Cape Engaño ng Philippine Coast Guard (PCG) nang magkahiwalay silang banggain ng dalawang CCG vessel malapit sa Escoda Shoal.
Unang nagtamo ng pinsala ang BRP Cape Engaño matapos ang agresibong pag-maniobra ng CCGV-3104 kaninang pasado alas-tres ng madaling araw na sinundan ng dalawang beses na pagbangga ng CCGV-21551 sa BRP Bagacay.
Sa kabila ng insidente, patuloy naman ang misyon ng dalawang barko ng PCG sa Patag at Lawak Island.
Nanawagan naman ang NTF-WPS sa China na tumalima sa United Nations Convention on the Law of the Seas upang maiwasan ang pagtindi ng tensyon sa karagatan. | ulat ni Leo Sarne
📷: PCG