Ipinapa-subpoena ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ang dalawang independent contractor ng GMA network na nasasangkot sa isyu ng pang-aabuso diumano sa baguhang aktor na si Sandro Muhlach.
Hindi kasi dumalo sa pagdinig ng Senate panel sina Richard Cruz at Jojo Nones kung saan isa sa mga dinidinig ang kaso na isinampa sa kanila ni Muhlach.
Nagpadala naman ng liham ang dalawa sa kumite na pinamumunuan ni Senador Robin Padilla kung saan sinasabi ng mga ito na hindi sila empleyado o bahagi ng GMA network o ng sparkle management agency.
Pinabubulaanan rin ng mga ito ang mga alegasyon ng sexual abuse na pinaparatang sa kanila at kasalukuyan na rin aniya silang respondents sa kasong inihain sa NBI kaya pinili nilang huwag dumalo sa pagdinig.
Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hindi katanggap-tanggap ang dahilan na ibinigay nina Cruz at Nones.
Kaya naman nagmosyon si Estrada na ipa-subpoena ang dalawa na inaprubahan naman ni Padilla.
Hindi rin nakadalo sa pagdinig si Sandro Muhlach dahil base sa pagsusuri ng behavioral science division ng NBI ay matindi pa ang traumang nararanasan ni Sandro sa nangyari.
Sa halip, ang ama ni Sandro na si Niño Muhlach na lang ang humarap sa pagdinig ng Senate panel at emosyonal na ibinahagi ang kanyang reaksyon nang malaman ang naranasan ng kanyang anak. | ulat ni Nimfa Asuncion