Patuloy ang mga isinasagawang operasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Bataan kaugnay ng mga lumubog na barko sa karagatan doon.
Sa pinakahuling update, matagumpay na nakolekta ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 2,500 litro ng langis mula sa lumubog na MT Terra Nova.
Aktibo rin ang kinontratang salvor sa ground zero upang mag-alis ng mga debris at maghanda ng karagdagang kagamitan para sa tuloy-tuloy na operasyon sa pagkuha ng langis sa lumubog na barko.
Samantala, mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng Coast Guard ang sitwasyon sa ground zero kung saan sila’y nagspray ng dispersants sa langis na nakatakas mula sa containment booms.
Sa kaugnay na operasyon, nagsagawa rin ng pagpapatrolya ang Coast Guard sa baybayin ng Barangay Cabcaben, Mariveles, Bataan, malapit sa pinaglubugan ng MTKR Jason Bradley, upang masuri kung may mga bakas ng oil spill. Dagdag pa rito, nagsagawa rin ng assessment ang BRP Malamawi sa karagatan sa paligid upang tiyakin na walang karagdagang kontaminasyon sa lugar.
Iniulat din ng Coast Guard ang kanilang pag-monitor sa paligid ng MV Mirola 1, kung saan naghahanda na rin ng mga kagamitan para sa pag-transfer ng barko. Nangolekta rin ng mga sample ng langis ang mga awtoridad para sa mga pagsusuri.
Inaasahan naman na makatutulong ang pagdating ng oil pumping machine mula Singapore upang pabilisin ang oil recovery operations para sa lumubog na tanker sa Bataan. | ulat ni EJ Lazaro