Sa pangunguna ng Bureau of Immigration (BI), ipinadeport na pabalik ng China ang 27 Chinese national na sinasabing sangkot sa mga illegal gaming activity sa bansa.
Sakay ang mga nasabing Chinese national ng isang Philippine Airlines flight kung saan dadalhin ang mga ito papuntang Shanghai, China.
Target sana ng BI na ibalik ang kabuuang 33 foreigners sa China ngunit anim sa mga ito ang hindi nakasakay sa nasabing flight dahil sa hindi pa natatapos na mga kaso o may kakulangan na mga kinakailangang clearance bago makaalis ng bansa mula sa Bureau of Investigation (NBI).
Kailangan muna umanong maayos ng mga ito ang kanilang mga kaso at makuha ang mga tamang clearance bago maideport pabalik ng China.
Nahuli ang mga nasabing Chinese national sa mga nakaraang magkakahiwalay na operasyon na isinagawa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Las Piñas, Pasay, at Tarlac.
Ang mga operasyong ito ay nakatuon sa ilegal na online gaming activities o kilala rin bilang mga POGO at nagresulta sa pag-aresto sa mga dayuhang manggagawa na sinasabing may paglabag mga batas imigrasyon ng Pilipinas.
Ipinahayag naman ng BI ang kanilang dedikasyon sa pagpapatupad ng mga immigration laws at pagtugon sa illegal employment kung saan dawit ang mga dayuhan.
Inaasahan na aabot naman sa halos 30,000 foreign POGO workers ang kakailanganing ipa-deport dahil sa POGO ban, ayon sa pagtataya ng PAOCC. | ulat ni EJ Lazaro