Magbibigay ang pamahalaang lungsod ng Davao ng calamity assistance na nagkakahalaga ng ₱14.5 million sa 27 probinsya at local government units (LGUs) sa Luzon na naapektuhan ng bagyong Carina noong nakaraang buwan.
Sinabi ni City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) head Alfredo Baloran na ang mga LGUs na makatatanggap ng ayuda ay kinabibilangan ng mga bayan ng San Mateo, Rizal; Baco, Oriental Mindoro; at Macabebe, Pampanga.
Kasama rin ang mga bayan ng Pinamalayan, Oriental Mindoro; Bauang, La Union; Cainta, Rizal; Paombong, Bulacan; San Andres, Romblon; Camiling, Tarlac; at Plaridel, Bulacan.
Samantala, ang mga lungsod na makakakuha ng tulong pinansyal ay kinabibilangan ng San Juan, Quezon City, Caloocan, Marikina, Manila, Navotas, Valenzuela, Mandaluyong, Pasay, Malabon; at Meycauayan sa lalawigan ng Bulacan. Gayundin, ang mga probinysa ng Bataan, Cavite at Batangas.
Nagmula ang cash assistance sa Sangguniang Panlungsod na nagpapahintulot na kumuha ng 30 porsiyentong Quick Response Fund (QRF) mula sa 5% nitong Disaster Risk Reduction and Management Fund (DRRMF) para sa 2024. | ulat ni Jollie Mar Acuyong