Mabibigyan na ng Social Security Protection ang humigit-kumulang 30,000 Angkas partner bikers na nag-ooperate sa Metro Manila, Metro Cebu, at Cagayan de Oro City.
Isang Memorandum of Agreement ang nilagdaan nina Social Security System President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet at Angkas Chief Executive Officer George Ilagan Royeca para sa programa.
Pinuri ni Macasaet ang Angkas sa pagkukusa para masigurado ang kinabukasan ng mga miyembro nito sa pamamagitan ng SSS membership at pagbibigay sa kanila ng access sa mga social security benefits na nararapat sa kanila.
Nanawagan pa ni Macasaet sa iba pang ridesharing at food delivery platform companies na tularan ang inisyatiba ng Angkas.
Sa ilalim ng kasunduan, ang mga partner bikers ay mauuri bilang mga self-employed na miyembro ng SSS.
Magkakaroon sila ng access sa mga benepisyo sa social security tulad ng pagkakasakit, maternity, kapansanan, pagreretiro, libing, at kamatayan. | ulat ni Rey Ferrer