Siyam na manggagawang Pilipino na biktima ng human trafficking sa Laos ang ligtas na nakauwi na sa bansa.
Ang mga nasagip na biktima ay dumating sa NAIA Terminal 3 sa Pasay kagabi sakay ng AirAsia Flight Z2 286.
Sila ang unang batch sa 73 mga Pilipino na nailigtas mula sa mga scam syndicate sa Golden Triangle Special Economic Zone, Bokeo Province sa Laos.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ang mga manggagawa ay pinangakuan ng trabaho bilang customer service representatives sa Thailand ngunit napilitan silang magtrabaho bilang mga scammer.
Tiniyak ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang buong suporta ng gobyerno sa mga nakauwi nang biktima.
Ang DMW, Overseas Workers Welfare Administration, at iba pang miyembro ng Inter-Agency Council Against Trafficking ay magbibigay ng tulong pinansyal, psycho-social support, at legal assistance, bukod sa iba pang serbisyo.
Pinangunahan naman ng Department of Foreign Affairs ang pagsagip sa mga biktima ng trafficking.| ulat ni Diane Lear