Dumalo si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa pagbubukas ngayong araw ng Inter-Cabinet Cluster Mechanism on Normalization (ICCMN) Caravan sa Lanao Del Norte, na pinangunahan ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr.
Sa kanyang mensahe sa Camp Bilal, Barangay Tamparan, Munai, Lanao Del Norte, sinabi ng AFP Chief na ang kanyang pagdalo sa aktibidad ay simbolo ng commitment ng Sandatahang Lakas sa Bangsamoro Peace Process.
Tiniyak pa ni Gen. Brawner, na tuloy tuloy ang pagsisikap ng AFP para mapanatili ang kapayapaan sa buong Bangsamoro.
Ang ICCMN Caravan na layong makapaghatid ng batayang serbisyo sa Bangsamoro people sa ilalim ng normalization process, ay nilalahukan ng iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan, mga ministry ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at international partners.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad, ang inisyatiba ay testamento ng nagkakaisang dedikasyon ng pamahalaan at stakeholders na isulong ang kapayapaan, kaunlaran at stabilidad sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne