Nanawagan ngayon si dating Health Secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin sa Department of Health (DOH) na maging agresibo sa pagtugon sa leptospirosis sa gitna ng pagtaas ng kaso nito.
Aniya, magsilbi sanang wake up call ang mataas na kaso ng leptospirosis at labanan din ang pagkalat ng fake news.
Giit ng mambabatas dapat ay naging maigting ang DOH sa pagpapayo sa publiko na maging maingat sa banta ng leptospirosis noong kasagsagan ng bagyong Carina.
Ikinalungkot din ng lady solon ang kawalan suplay ng doxycycline o yung gamot para makaiwas sa leptospirosis, sa mga probinsya.
“Ang problema, may pondo naman para sa libreng doxycycline subalit ang availability on the grounds ay mahirap. Ito ay paulit-ulit natin na hinaing sa DOH pero pinapakinggan lang pero hindi naman [naaksyunan]… Ang dapat doon, aggressive, ipadala agad sa lugar at nandoon dapat ang gamot, hindi na pahirapan pa… This is a failure of appropriate and adequate public health communication,” saad ni Garin.
Paalala ng physician lawmaker, ang mga indibidwal na nalublob o lumusong sa baha na walang sugat ay kailangan makainom ng doxycycline sa loob ng 72 oras.
Batay sa datos ng DOH mula July 14 hanggang 27 ay nakapagtala ng 67 na kaso ng leptospirosis. | ulat ni Kathleen Jean Forbes