Buhol-buhol na trapiko na umabot pa sa SM Aura sa lungsod ng Taguig ang idinulot ng aksidente sa pagitan ng isang truck ng buhangin at L300 na van sa intersection ng C5-Eastwood sa Quezon City kaninang madaling araw.
Sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), naganap bandang 4:30 ng madaling araw ang aksidente kung saan nayupi ang L300 at nagkalat naman ang mga buhanging bitbit ng 12-wheeler truck.
Naging pahirapan ang pagalis ng dalawang sasakyan na ginamitan pa ng iba’t ibang equipment kaya dalawang lane din ang inokupa nito.
Ayon sa MMDA, nasa 15 katao ang sugatan; lahat ay pawang sakay ng nadisgrasyang van.
Sa inisyal na imbestigsyon, ang truck ay galing ng Rizal at patungong Laguna nang iwasan ang isang motorsiklo habang ang van naman ay galing ng C5 at patungo sanang Marikina.
Tuloy-tuloy pa rin ang clearing operations ng MMDA sa nangyaring aksidente kung saan naialis na rin ang truck. | ulat ni Merry Ann Bastasa