Hiniling ni House Appropriations Committee Chair Zaldy Co sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na sagutin nila ang professional fees ng mga doktor ng indigent patients.
Ginawa ni Co ang panukala sa deliberasyon ng kumite sa budget briefing ng PCSO.
Sinabi ni Co, ang hamon ngayon sa pagpapatupad ng Medical Assistance for Indigent and Financialy Incapacitated Patients Program (MAIPP) na pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH) dahil ayaw ng mga doktor na ipa-cover sa MAIPP ang kanilang professional fee dahil hindi nila gusto na mag-antay pa ng 30 araw.
Maging aniya ang mga guarantee letter mula sa DOH na sasagot sa medical bills ng mga mahihirap na pasyente ay nire-request ng mga ito na bayaran ang kanilang professional fees na cash at ihiwalay sa hospital bills.
Panawagan nito sa PCSO, sagutin ang PF ng doktor at sila na ang bahala sa medical bills.
Diin ng mambabatas na dapat maging agaran ang pag aksyon upang maisilbi ang layunin ng MAIPP na maghatid ng agaran at komprehensibong pangangalagang medical sa mga taong higit nangangailangan.
Samantala, iminungkahi rin ng Bicolano Solon ang paggamit ng corporate credit card para mapabilis ang proseso ng pagbabayad, sakaling hindi makapagbigay ng cash o tseke ang PCSO.| ulat ni Melany V. Reyes