Tatlo pang local government units (LGU) ang kinilala ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) dahil sa pagpapatupad ng ganap na electronic Business One-Stop Shop (eBOSS).
Sa ginanap na Bagong Pilipinas Town Hall Meetings sa Iloilo City, ginawaran ni ARTA Secretary Ernesto Perez ng Plaques of Commendation and Seals of Compliance ang mga LGU ng New Lucena at Iloilo City sa Iloilo Province at Sipalay City sa Negros Occidental.
Sa ngayon, umabot na sa 58 LGU sa bansa ang nagbibigay ng end-to-end processing ng mga business permit at lisensya na kinakailangan ng Republic Act (RA) No. 11032 o ang Ease of Doing Business Law.
Kinilala ni Secretary Perez ang mga katuwang ng ARTA sa pagkamit ng tagumpay na ito at tinitiyak na susundin ang direktiba ng administrasyon na palitan ang red tape ng red carpet upang makaakit ng mga mamumuhunan sa bansa. | ulat ni Rey Ferrer