Pinapanukala ni Senador JV Ejercito na maalis na ang parusang awtomatikong pagkulong sa mga drayber na nasasangkot sa aksidente.
Sa ilalim ng Senate Bill 2798 o ang Defensive Driving Bill ni Ejercito, layong amyendahan ang Article 24 ng revised penal code para hindi agad makulong ang driver na masasangkot sa aksidente kung makakapagbigay sila ng inisyal na ebidensya na sila ay sumusunod sa batas-trapiko sa oras ng insidente.
Itinatakda ng panukala na i-exempt ang mga drayber mula sa detention kung makakapagbigay sila ng dashcam footage, CCTV footage, o iba pang video o larawan na nagpapatunay na sila ay inosente o sumusunod sa mga batas-trapiko bago at habang nangyayari ang insidente.
Ayon sa senador, dapat tiyakin na hindi mapaparusahan ng hindi patas ang mga inosenteng driver.
Inihalimbawa ng mambabatas ang isang insidente kamakailan sa Skyway sa Quezon City, kung saan isang lasing na motorcyclist ang bumangga sa isang paparating na Asian Utility Vehicle (AUV) habang nagmamaneho sa maling direksyon ng trapiko.
Sinabi ni Ejercito na sa pamamagitan ng pagprayoridad sa pagpapalaya ng mga inosenteng driver at pagsasagawa ng masusing imbestigasyon ay makapagtatatag tayo ng mas pantay at makatarungang sistema na nagpoprotekta sa mga karapatan ng lahat ng partidong sangkot sa mga aksidente.| ulat ni Nimfa Asuncion