Nagsisilbing patunay na tamang nagagamit ang pondo para sa mga programa ng pamahalaan ang matagumpay na implementasyon ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Ayon kay Deputy Speaker David Suarez, nasaksihan nila mismo na ang pondo na kanilang inaprubahan noong nakaraang taon ay napupunta at napapakinabangan ng mga Pilipino.
“Come the budget hearings, we can actually say yes, the budget and the funds were used properly and effectively, and the BPSF was one proper conduit that the funds benefitted the less fortunate na mga kababayan natin,” sabi ni Suarez.
Para naman kay Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, kapuri-puri ang inisyatiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ibaba ang serbisyo ng gobyerno sa taumbayan.
Naiparamdam kasi sa mga nangangailangan, lalo na ang mga nasa laylayan, na mayroong gobyernong tumitingin at nagmamahal sa kanila.
Ngayong araw gaganapin ang ika-21 BPSF sa Tacloban Leyte na may dalang ₱1.2-billion na halaga ng serbisyo at ayuda.
Giit pa ni BPSF National Secretariat Lead Safonias Gabonada Jr. na sa BPSF, ang taumbayan ang panalo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes