Dalawang truck na may kargang mga baboy na hinihinalang may African Swine Fever (ASF) ang naharang sa checkpoint sa Commonwealth sa Quezon City at Malanday sa Valenzuela City.
Ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI), ang isang truck ay naglalaman ng 38 baboy habang 11 naman sa isang truck.
Sa isinagawang inspection, nabuking ang isang truck na gumagamit ng recycled local shipping permit.
Habang ang mga baboy sa isang truck ay nakitaan na ng clinical signs ng African Swine Fever (ASF).
Dahil dito, sinabi ni DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Dr. Dante Palabrica na dinagdagan pa nila ang mga checkpoint sa north at south ng National Capital Region (NCR) upang mapigilan ang mga ipinupuslit na mga baboy na may sakit.
Noong Huwebes, may dalawang truck din na may kargang 87 at 14 baboy na hinihinalang may ASF ang naharang din sa Quezon City.
Ang mga kinumpiskang mga baboy ay isinasailalim na sa clinical test ng DA at BAI.| ulat ni Rey Ferrer