Patuloy ang pakikipagugnayan ng DA Bureau of Animal Industry sa Food and Drug Administration para sa layuning maparami ang mga bakuna kontra ASF sa bansa.
Ayon kay DA Asec. Palabrica, sa ganitong paraan, maaaring bumaba rin aniya ang presyo ng bakuna at mas maging abot kaya sa mga hog raiser.
Sa ngayon, may apat hanggang limang aplikasyon nang pinagaaralan ang BAI at FDA kabilang ang mula sa US, Korea, Vietnam at Thailand.
Siniguro naman ng opisyal na dadaan ang mga bakunang ito sa masusing pagsusuri para masiguro kung epektibo at ligtas ito bago iendorso sa FDA at mabigyan ng permit.
Kasama sa ikinukonsidera ng DA ang posibilidad na maging ang mga inahin ay mabakunahan na rin kontra ASF maliban sa mga grower o mga biik.
Kaugnay nito, tuloy tuloy na pinagaaralan naman na ng DA ang pagbibigay ng subsidy sa mga backyard hog raisers para magkaroon ng kakayahang makapagpabakuna sa kanilang mga alagang baboy.
Bukod sa bakunahan, kasama rin sa prayoridad ng DA ang mga programa sa repopulation bilang tugon sa kakulangan ng baboy. | ulat ni Merry Ann Bastasa