Umarangkada na ngayong August 30, 2024 ang bakunahan kontra African Swine Fever (ASF) sa Lobo, Batangas.
Bago ang vaccine rollout, nagkaroon pa ng technical briefing ang Department of Agriculture sa pangunguna ni DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa at Asec. Dante Palabrica sa mga hog raiser sa lugar.
Mahigpit ang naging bakunahan kung saan limitado lang ang pinayagan na makalapit sa mga baboy at nakasuot din ng PPE ang mga lisensyadong beterinaryo ng BAI at munisipyo na nag-a-administer ng bakuna.
Mabilis lang naman ang proseso ng mismong bakunahan kung saan nilalagyan din ng pulang marka ang bawat piglets pagtapos ng bakuna bilang palatandaan.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, aabot sa 41 piglets ang naunang nabakunahan sa isang farm sa Lobo.
Wala ding naging aberya at ‘receptive’ ang mga owner ng mga backyard farm.
Matapos naman ang pagbabakuna sa Lobo, magsasagawa na aniya ng validation ang DA sa iba pang munisipyo para magamit din ang natitira sa 10,000 doses.
Inaasahan naman ng DA na mauubos ang unang nakalaang 10,000 doses ng ASF vaccines sa loob lang ng ilang linggo. | ulat ni Merry Ann Bastasa