Bentahan ng ₱45 kada kilong bigas sa Kadiwa store, ikinatuwa ng ilang residente sa Caloocan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Handang subukan ng mga mamimili sa Caloocan ang murang bigas na ibebenta ng Department of Agriculture (DA) sa ilang piling Kadiwa stores simula ngayong araw.

Nakatakda na kasing umarangkada ngayon ang “Rice-for-All” program ng DA na mag-aalok ng ₱45 kada kilong well-milled na bigas sa lahat ng Pilipino na bukod pa sa ₱29 Program.

Ayon kay Nanay Alita, malaki ang matitipid niya sa budget kung makabibili ng ₱45 na kada kilong bigas. Sa ngayon kasi, aniya, ay umaabot sa ₱55-₱60 ang nabibili niyang bigas.

Ganito rin ang sinabi ni Tatay Albert na ikinatuwang hanggang 25 kilos ang limit na maaaring bilhin sa ilalim ng ‘Rice for All’ program.

Aniya, tiyak na tatangkilikin ito ng kanyang mga kapitbahay lalo’t mas mura ito kumpara sa ibinebenta ngayon sa mga palengke.

Sisimulan sa apat na Kadiwa sites ang bentahan ng ‘Rice for All’ program kabilang ang FTI sa Taguig City, Llano Road sa Caloocan, Potrero sa Malabon, at tanggapan ng BPI sa lungsod ng Maynila.

Nakatakda ring pangunahan nina DA Assistant Secretary Arnel De Mesa, Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra, at BPI Director Glenn Panganiban ang launching ng ‘Rice for All’ sa BPI Kadiwa Store sa San Andres, Malate, Maynila. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us