Matumal na rin ang bentahan ng frozen meat sa Pasig City Mega Market kahit pa ‘di hamak na mas mababa ang presyo nito kumpara sa mga sariwang karne.
Sa pagtatanong ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang mga nagtitinda na may ilang mamimili ang may agam-agam sa pamimili ng karne.
Duda nila, may kinalaman sa pagkalat ng African Swine Fever (ASF) partikular na sa bayan ng Lobo sa lalawigan ng Batangas.
Sa ngayon kasi, nasa sa ₱230 ang kada kilo ng frozen kasim habang nasa ₱320 naman ang presyo ng kada kilo ng frozen na liempo.
Mas mababa ito kumpara sa ₱320 kada kilo ng fresh na kasim habang ₱380 ang presyo naman ng kada kilo ng sariwang liempo.
Nabatid na isinailalim na sa State of Calamity ang bayan ng Lobo dahil sa pagkalat ng sakit sa 17 mula sa 26 na barangay at nag-iwan naman ng ₱103 milyong halaga ng pinsala. | ulat ni Jaymark Dagala