Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas nang kainin ang mga isda at shellfish mula sa karagatan ng Region 4A, Region 3 at National Capital region (NCR).
Sa ginawang pagdinig ng House Committee on Ecology sa pinakahuling oil spill sa Limay, Bataan, sinabi ni BFAR Assistant Secretary Angel Encarnacion, ito ay base sa kanilang isinagawang sensory evaluation o analysis sa fish samples sa naturang mga karagatan.
Aniya, lumalabas sa sensory evaluation noong Aug 16, walang masyadong content ang tubig na polycyclic aromatic hydrocarbons (PAHs), ito ay isang natural component ng langis na ayon sa pag-aaral ay may epekto sa mga isda, shellfish at iba pang yamang dagat.
Sa ngayon aniya, inaantay pa nila ang PAH test na isinagawa sa Rosario, Cavite at kung pumasa ito sa pangatlong round ng examine ay maaari nang sabihin na ligtas ang mga isdang mangagaling sa lugar.
Samantala, base sa kanilang monitoring, nasa 28,000 na mga mangingisdang Pinoy ang naapektuhan sa naganap na oil spill.
Ito ay tinatayang nasa P9.8 million mula ito sa P346 na kita kada araw ng isang mangingisda.
Maliban sa kabuhayan ng mga mangingisda nasa 2,599 na aquafarms ang apektado at pitong fish sanctuaries. | ulat ni Melany Valdoz Reyes