Sinisimulan na ng Bureau of Immigration (BI) ang downgrading ng mga 9G work visa ng mga dayuhang empleyado ng mga lisensyadong Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) o internet gaming licensee (IGL).
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco, na mula nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-ban ang mga POGO, itinigil na nila ang pagtanggap ng mga working visa para sa mga empleyado nito.
Sakop ng downgrading ng visa ang mga dayuhang empleyado ng mga legal at lisensyadong POGO bago ang ban.
Ayon kay Tansingco, bibigyan ng BI ang mga ito ng hanggang October 15 para boluntaryong i-downgrade ang kanilang working visa sa tourist visa, dahil simula sa October 16 ay sisimulan na nila ang kanselasyon ng mga 9G work visa.
Ipinaliwanag ng commissioner, na ang downgrading sa tourist visa ay para mabigyan ang foreign POGO employees ng panahon na matapos ang ano mang mga pananagutan pa nila dito sa bansa, at para makakuha ng mga clearance.
Sa downgrading ng kanilang visa ay nire-require ng BI na makapagpakita ang mga foreign POGO employee ng ticket papalabas ng Pilipinas.
Kailangan aniya nilang makaalis na ng bansa sa loob ng 59 days mula nang maibigay sa kanila ang kanilang tourist visa.
Sa ngayon ay tinatayang nasa 100,000 foreign POGO employees ang ipoproseso ng BI.
Hindi na rin sila papayagan pang makakuha ng ibang klase ng visa.
Pagdating naman sa mga ilegal na foreign POGO employee, nilinaw ni Tansingco na ang law enforcement agencies na ang hahawak sa kanila. | ulat ni Nimfa Asuncion